Umapela si Albay Rep. Edcel Lagman sa publiko na ituloy pa rin ang pagtatayo ng mga community pantry sa kabila ng ginagawang harassment dito ng mga otoridad.
Tinukoy ng kongresista ang unang community pantry sa Maginhawa, Quezon City na napilitang magsara pansamantala dahil sa red-tagging sa organizer nito na si Ana Patricia Non.
Giit ni Lagman, hindi dapat sa ganitong paraan pinagtatakpan ng pamahalaan ang kanilang kakulangan sa pagtugon sa pandemya.
Sa kabila ng mga pagtugis sa mga organizers ng community pantries, hinimok naman ni Lagman ang mga mamamayan na may parehong adhikain na ituloy pa rin ang pag-o-organisa ng mga community pantries.
Nanawagan din ang kongresista sa publiko na kung may kakayahan ay regular na mag-donate ng pagkain, gamot at damit para sa mga nangangailangan.
Samantala, sinabi naman ni Magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan na sa halip na i-red-tag ang mga organizers ng community pantries ay dapat pa ngang kilalanin ng gobyerno ang kanilang pagkukusa na kumilos at tumulong sa mga kababayan.
Punto pa ng kongresista, mismong ang pamahalaan noon ang humihikayat na magtulungan ang lahat na siya namang layunin at ginagawa ng mga nasa likod ng community pantries.