Hinikayat ng World Wildlife Fund (WWF) Philippines ang mamamayang Pilipino na lumahok o sumali sa Earth Hour 2019 sa darating na Marso 30 araw ng Sabado.
Ito ay magmula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi, bilang pakikiisa sa pandaigdigang pagsisikap upang labanan ang climate change.
Ayon kay WWF Philippines President and CEO Joel Palma, sa taong ito, bibigyang diin kung ano at kung paano maaaring maging bahagi ng krusada upang i-ligtas ang planeta.
Layunin din nitong maipakita ng sambayanang Pilipino sa buong mundo ang pagkakaisa upang labanan ang climate change at ang pagpo-promote ng malinis, malusog at green Earth.
Sinabi pa ng WWF Philippines, sa nakalipas na sampung taon, ang Earth Hour ay nagbigay inspirasyon sa mga indibidwal, komunidad, negosyo at organisasyon sa higit 180 bansa at teritoryo upang makagawa ng mahahalagang pagkilos para sa kalikasan.