Manila, Philippines – Hinikayat nila Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate ang publiko at iba’t ibang sektor na aktibong makiisa sa ipinaglalaban sa bansa tulad ng nangyari noong 1986 EDSA People Power Revolution.
Giit ng mga mambabatas, dapat na makilahok sa pakikipaglaban sa karapatan at maayos na pamumuhay ng mga mahihirap ang lahat ng mga Pilipino.
Sinabi ng mga kongresista na hanggang ngayon ay napakahalaga pa rin ng mensaheng hatid ng EDSA People Power para labanan ang diktaturyang nararanasan ngayon sa bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Hinimok ng mga ito ang publiko na partikular na tutulan ang mga anti-poor at anti-people na polisiya tulad ng rice tarrification, pagtataas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan at ipaglaban ang karapatan sa dagdag na sweldo, regularisasyon, pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at sa mga mahihirap.
Dagdag pa ng mga mamababatas na subok na noon pa ang pagkakaisa ng mga Pilipino para labanan ang anumang uri ng pangaabuso sa bansa.