Publiko, hinikayat ng BIR na isumbong ang mga establisyimento na nagbebenta ng illegal vape products

Inanunsyo ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na asahan na ang sunud-sunod na pagsalakay at pagsasampa ng kaso laban sa mga tindahan ng illegal vape sa bansa.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo “Jun” Lumagui Jr., ang naturang hakbang ay kasunod ng nationwide crackdown na kanyang ipinag-utos laban dito.

Una na ring naglabas ng babala si Lumagui na sumunod sa BIR regulations ang mga illicit vape retailer at reseller pero tuloy pa rin sa operasyon ng mga ito nang walang kumpletong dokumento.


Paliwanag pa ni Lumagui na kabilang sa mga kalimitang paglabag ay ang pagiging unregistered manufacturer/importer, walang nakalagay na BIR stamps, hindi rehistradong vape products ang ibinebenta at ang hindi pagsunod sa minimum floor price.

Sa ngayon ay inatasan na ni Lumagui ang lahat ng Revenue District Offices sa buong bansa na i-monitor at magsagawa ng raid sa lahat ng mga establisyimento na ilegal na nagbebenta ng vape.

Giit ni Lumagui, walang vape smuggler kung walang illicit vape retailer at reseller na tatangkilik dito.

Matatandaan na nitong nakalipas na buwan ay nagkasa ng serye ng pagsalakay ang BIR sa mga vape establishment sa Quezon City, Rizal, Manila, Laguna at iba pang lugar sa bansa.

Facebook Comments