Publiko, hinikayat ng NNC na ugaliing tignan ang nutrition label ng mga produktong binibili

Patuloy na hinihikayat ng National Nutrition Council (NNC) ang publiko na ugaliin ang pagtingin o pag-check sa nutrition label ng mga produktong binibili.

 

Katuwang ang Food and Nutrition Research Institute (FNRI), tinalakay ng NNC sa programang “Nutrisyon Mo, Sagot Ko” kung ano ang nutrition label at bakit mahalaga na suriin at intindihin ito.

 

Ayon kay Carl Vincent Cabanilla, Senior Science Research Specialist ng FNRI, ang nutrition label o tinatawag ding nutrition pack ay mahalagang intindihin dahil ito ay nagbibigay impormasyon kung gaano karami ang nutrients at dietary components ng isang produktong pagkain kagaya ng calories, protein, fats, cholesterol, sodium, asukal at iba pa.


 

Dito aniya, makikita ang size at serving at bilang ng calories, protein, fats, cholesterol, sodium, asukal ng isang pagkain upang magabayan ang mga consumer kung gaano karaming pagkain ang dapat nilang kainin.

 

Nakalagay aniya rito ang recommended energy/nutrient intake (REI/RNI) na batayan ng tamang dami ng enerhiya at nutrients na kailangan upang mapanatili ang kalusugan ng isang tao.

 

Batay sa US Food and Drug Administration, ang 5-percent pababa per serving ay masasabing mababa at 20-percent pataas per serving ay masasabing mataas.

 

 

May mga redflag din aniya kung ano ang mga dapat bantayan o limitahan tulad ng saturated fats, sodium at sugar dahil nagdudulot ito ng non-communicable diseases gaya ng sakit sa puso, diabetes at kidney problem.

 

Sinabi ni Cabanilla na ang nutrition label ay mahalaga upang magkaroon ng wasto, balanse at upang maging responsable ang publiko sa pagpili ng tama at  masustansyang pagkain na mababa sa asin, asukal o cholesterol.

 

Payo nito, piliin ang mga pagkain na mataas sa dietary fiber, protein, bitamina at mineral habang bantayan ang mga produktong mas mataas ang saturate fats, sodium at asukal.

 

Ang FNRI, kasama ng mga eksperto sa nutrisyon at kalusugan ang nag-develop ng Philippine Dietary Reference Intakes (PDRI) kung saan kinuha ang nutrition labeling values.

 

sa kasalukuyan ay may mga pag-aaral itong ginagawa upang mas lalong matulungan ang mga mamimili na maintindihan ang nutrition information na makikita sa produktong pagkain.

 

Natuklasan kasi sa National Nutrition Survey ng FNRI noong 2018 hanggang 2019 na 20 percent lang ng adult consumer ang parating nagbabasa ng product labels habang 50% rito ang hindi nagbabasa kung saan hindi sila interesado sa nutrition labels.

Facebook Comments