Iniimbestigahan na ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield ang mga ulat na may mga pulis na lumalabag sa ipinatutupad na quarantine protocols.
Ito ay matapos ang mga pagbatikos sa social media sa ilang pulis na nahuhuling mayroong angkas sa motorsiklo.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, kung mapapatunayang lumalabag sa quarantine measures ang sinumang pulis ay hindi sila mag-aatubiling patawan ng parusa ang mga kabaro.
Batay sa utos ng Inter-Agency Task Force on the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ipinagbabawal ang pag-aangkas sa motor lalo’t umiiral pa rin ang General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ sa ilang mga lugar sa bansa.
Kaya hinihikayat ni Eleazar ang publiko na kaagad ipagbigay-alam sa kanila kung may makikitang pulis na hindi sumusunod sa ipinatutupad na minimum health standards ng COVID-19 pandemic.