
Hinihikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace o Caritas Philippines ang mga Katoliko na makiisa sa Trillion Peso March sa darating na Setyembre 21.
Gaganapin ang kilos-protesta mula alas-dos hanggang alas-singko ng hapon sa People Power Monument sa EDSA-White Plains, Quezon City.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, Rector ng EDSA Shrine, magdaraos ng muna ng Misa sa tanghali sa shrine bago magtungo sa pagtitipon.
Ang Trillion Peso March ay nakatuon sa panawagan para sa katotohanan, pananagutan, at katarungan.
Layon din ng kilos-protesta na himukin ang pagbabantay sa kaban ng bayan at manawagan para sa katotohanan, katarungan, at pananagutan ng mga sangkot sa umano’y maanomalyang flood control at iba pang proyekto ng pamahalaan.
Mahalaga anila na maging aktibo ang bawat Pilipino sa pagsubaybay sa paggastos ng gobyerno para hindi na maulit ang mga “ghost projects” na walang silbi sa mamamayan.
Nagpadala na rin daw ng sulat ang Caritas kay Interior Secretary Jonvic Remulla para humiling ng pulong upang pag-usapan kung paano mapapalakas ang partisipasyon ng mamamayan sa lahat ng antas ng lokal na pamahalaan bilang pangmatagalang solusyon laban sa korapsyon.









