Hinikayat ng Department of Health (DOH), Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) at Minor Basilica of the Black Nazarene ang publiko na huwag nang bumisita sa Quiapo Church sa pagdaraos ng Pista ng Poong Itim na Nazareno dahil sa banta ng COVID-19.
Ito ay kasunod ng inaasahang pagdagsa pa rin ng mga deboto para makita ang imahe ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Reverend Monsignor Hernando Coronel, maaaring magdasal ang mga deboto bilang isang pamilya sa loob ng kani-kanilang tahanan.
Babala naman ni Dr. Anna Ong-Lim ng HPAAC, maaaring maging superspreader event ang Traslacion dahil magkakaroon ng mass gathering na posibleng magresulta ng case surge.
Humiling din ang DOH sa mga pamilya na dumalo na lamang ng online masses na oras-oras isasagawa at mapapanood sa Facebook page ng Quiapo Church.
Giit naman ni Health Secretary Francisco Duque III, huwag hayaang mapasukan ng COVID-19 ang Traslacion ng itim na Nazareno.
Kumilos aniya ng iisa upang tuluyang matiyak ang pananampalataya ay naipagdiriwang ng lubos at ligtas.
Nagpaalala rin ang kagawaran para sa mga planong pisikal na dumalo sa misa:
– Tiyaking may proper ventilation sa lugar
– Sundin ang physical distancing na hindi bababa sa isang metro
– Magsuot ng face mask at face shield
– Saglit lamang bumisita
– Maghugas o mag-sanitize ng kamay
– Sundin ang health protocols na ipinatutupad ng simbahan at lokal na pamahalaan
– Kanselahin ang planong pagbiyahe kung may nararamdamang sintomas ng COVID-19