Nilinaw ng Department of Health (DOH) ang lumabas na balita na mayroong apat na kaso ng walking pneumonia sa bansa.
Sa inilabas na pahayag ng DOH, hindi bago ang apat na kasong naitala ng walking pneumonia sa bansa dahil ito ay nagsimula noong Enero hanggang nitong Nobyembre.
Paliwanag ng DOH, ang nasabing apat na kaso ay pawang gumaling na at nasa maayos ng kalagayan.
Iginiit ng DOH na ang nasabing mga kaso ay isang ordinaryong uri ng sakit na kayang kayang gamutin ng mga doktor at may sapat na gamot din para dito.
Nabatid na dulot ito ng mycoplasma pneumonia na isang common pathogen na nagdudulot ng impeksyon gaya ng sipon at pneumonia.
Isa rin ito sa tinatawag na influenza-like illness na nagdudulot ng lagnat, sore throat, at ubo.
Tiniyak naman ng DOH sa publiko na ang pagkaka-detect sa naturang sakit ay hindi na bago o kakaiba kung saan maiwasan ang hawahan nito sa pamamagitan ng regular na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng facemask, maayos na daluyan ng hangin at pagkakaroon ng tamang bakuna.