Publiko, maaaring makilahok ng direkta sa pagtalakay sa pambansang pondo sa 2021

Mabibigyan na ng pagkakataon ang publiko na direktang makilahok sa pagtalakay ng Kamara sa 2021 national budget.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, kauna-unahan sa kasaysayan na mapapayagan ang taumbayan na makilahok sa pagdinig ng budget sa susunod na taon.

Hinihikayat ni Cayetano ang publiko na gamitin ang social media at iba pang platforms para maiparating sa kanilang mga kinatawan ang pagnanais na makapag-participate sa budget hearings.


Mula nang magsimula aniya ang pandemic ay sinamantala na ng Kongreso na gamitin ang teknolohiya upang maipagpatuloy ang kanilang trabaho.

Magagamit aniya ang makabagong sistemang ito upang hindi lamang basta nanonood ang publiko sa mga nangyayari sa Mababang Kapulungan.

Giit ni Cayetano, mahalagang marinig din ang saloobin ng mga tao dahil pera ng taumbayan ang pinag-uusapan.

Ngayong linggo ay nakatakdang magpulong ang liderato ng Kamara upang talakayin ang mechanics at protocols na dapat sundin ng publiko sa kanilang magiging partisipasyon.

Sa darating na Biyernes, September 4, 2020, ay sisimulan na ang budget hearing sa Kamara kung saan unang sasalang ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) at paguusapan ang financing sa budget, prayoridad sa bawat sektor, mga polisiya, at inisyatibo na mahalaga para sa deliberasyon ng pambansang pondo.

Facebook Comments