Manila, Philippines – Matutuldukan na ang mga agam-agam na nahihihirapan ang publiko na makakuha ng mga impormasyon at dokumento sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ito ay matapos na pasinayaan ang #FOIKnowMore na may temang Moving Towards Enhanced Standards of Transparency na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Department of Information and Communication Technology Secretary Rodolfo Salalima, malaking tulong ang inilunsad ng Presidential Communication Operation Office para maunawaan ng publiko ang kanilang mga karapatan na makakuha ng impormasyon sa anumang ahensya ng gobyerno.
Matatandaan na nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order number 2 noong Hulyo 23 nakaraang taon dalawang araw bago ang kanyang unang State of the Nation Address.
Ang EO No. 2 ang nagpapatupad ng unang Freedom of Information Policy sa bansa na sumasakop sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa ilalim ng Executive Branch.
Paliwanag ni Salalima na ang EO No.2 ay inaatasan nito ang lahat ng Executive Departments, Agency, Bureaus, at mga opisina na isapubliko ang mga Records, Contracts, Transactions at mga impormasyon na hinihingi ng publiko maliban sa mga bagay na may kinalaman sa National Security o Pambansang Seguridad ng bansa.