May karapatang maging “choosy” ang publiko lalo na kung kalusugan ang pinag-uusapan.
Reaksyon ito ni Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite kasunod ng pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi dapat maging mapili sa bakuna ang mga Pilipino na mag-a-avail ng libreng COVID-19 vaccination.
Giit ng mambabatas, pera ng publiko ang gagamitin sa pagbili ng mga bakuna at dapat lang tiyakin ng gobyerno na ligtas at epektibo ito.
Hindi rin aniya dapat binabalewala ng palasyo ang mga pagkabahala ng publiko.
Sa interview naman ng RMN Manila, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na sa halip na magalit, ipaintindi na lang dapat nang mabuti ng Palasyo sa publiko ang dahilan ng paggamit ng partikular na klase ng bakuna.
“Hindi pwedeng sabihin na hindi pwedeng mamili e. Kung ayaw mo kasi hindi ka naman pwedeng pilitin e. Hindi naman sinasabi na ang lahat ng tao sa Pilipinas kailangang magpabakuna. Hindi gano’n e. Kailangan natin ng bakuna. Kung sinong gustong magpabakuna, magpabakuna, kung ayaw, wag. Gano’n dapat e. bakit ka ba magagalit doon sa tao na ‘yun na ayaw, di ba? Dapat ‘yon e ika nga e mayroon tayong intindimiento sa mga kababayan natin,” paliwanag ni Sotto.