Publiko, muling binigyang babala laban sa mga scammer na gumagamit ng pangalan ng mga politiko

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko kaugnay sa mga naglipanang scammers na ginagamit ang pangalan ng mga pulitiko para makapagnakaw ng pera.

Ayon kay PNP Chief Police Gen. Guillermo Eleazar, kailangang maging mapanuri at huwag basta-basta magtiwala sa mga taong gumagamit ng pangalan ng mga personalidad, partikular ang mga politiko, para humingi ng anumang pabor o salapi.

Sinabi ni Eleazar, inutos niya na sa mga concerned police unit na tutukan ang modus ng scammers na ito.


Ginawa ni PNP chief ang babalang ito matapos na maaresto ang limang indibidwal sa Camarin, Caloocan dahil sa umano’y nagbebenta ng daily time records sa halagang 30 pesos bawat residente na sinasabing makakatanggap ng cash mula kay Senator Manny Pacquiao.

Nagpakilala raw ang mga suspek na tauhan ni Senator Pacquiao at sinabing inutusan sila ng senador na mag-recruit ng tagapaglinis at bibigyan ng tig 7,500 pesos.

Giit ni PNP Chief, maraming mga manloloko sa panahon ngayon na sasamantalahin ang pangangailangan at pagiging desperado ng ibang tao para pagkakitaan.

Facebook Comments