Publiko, pinaalalahanan ng DOH ngayong simula na ang Amihan season

Nagpapaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na magdoble-ingat sa mga karaniwang sakit ngayong panahon ng Amihan.

Kabilang sa mga karaniwang sakit na nararanasan sa panahong ito ay ang trangkaso, sipon, pulmonya, allergic rhinitis, at panunuyo ng balat o eksema.

Dahil dito, hinihikayat ng DOH ang lahat na regular na maghugas ng kamay at kung maaari ay magsuot ng face mask kapag nasa labas upang maiwasang mahawaan o makahawa ng sakit.

Manatili rin sa bahay kung may sintomas ng karamdaman, uminom ng maraming tubig, at gumamit ng moisturizer araw-araw upang maiwasan ang mga sakit dulot ng malamig na panahon.

Hinikayat din ng DOH ang publiko na kumonsulta sa pinakamalapit na health center para sa tamang gabay at pangangalaga sa kalusugan.

Kung kakayanin, magpabakuna rin upang maiwasang magkaroon ng sakit o trangkaso lalo na’t pabago-bago ang lagay ng panahon.

Facebook Comments