Publiko, pinaalalahanan ng PCG na huwag mabahala sa pagdating ng mga cruise ship mula sa ibang bansa

Nasa Manila Bay na ngayon ang ilang cruise ships para magbaba ng mga Pilipinong tripulante, ayon sa Philippine Coast Guard o PCG.

Sinabi ni Commodore Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, nasa 18 cruise ships ang inaasahang dadaong sa Maynila, at ang pito rito ay kasalukuyang nasa Manila Bay Anchorage Area.

Nagsagawa na ang PCG ng aerial surveillance sa Manila Bay, upang ma-monitor ang galaw ng mga cruise ship kung saan dagdag ni Balilo na walang dapat ikabahala ang publiko hinggil sa pagdating ng mga cruise ship na mula sa iba’t ibang bansa.


Ayon sa opisyal, patuloy na nakikipag-ugnayan ang PCG sa Bureau of Quarantine para sa mga bababang seafarers, at mayroon na rin nakalatag na safety protocols upang matiyak na hindi makakababa ang sinumang tripulante na “carrier” o positibo sa COVID-19.

Kinumpirma rin Balilo na kahapon ay nakipag-pulong si PCG Commandant Admiral Joel Garcia sa mga shipping company para pag-usapan ang kooperasyon ng manning agencies sa implementasyon ng 14-day quarantine at mandatory rapid anti-body test sa mga Pinoy seafarer.

Iginiit pa ni Balilo na kailangan ding maplantsa ang reporting system dahil ang PCG ay binigyan ng responsibilidad para sa transportasyon ng mga manggagawa sa kanilang pag-uwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Sa ngayon, may mga Pinoy seafarer na dumating sa bansa nitong mga nakalipas na linggo ang tinatapos na lamang ang kanilang quarantine sa ilang itinalagang barko sa Port Area, at inaasahang ipo-proseso na din ang kanilang pagbabalik-probinsya.

Facebook Comments