
Pinayuhan ni Senator Loren Legarda ang publiko sa mga maaaring magawa para makaiwas sa baha at ang pagtutulungan ng lahat sa gitna ng nararanasang malakas na ulan dulot ng habagat.
Inilatag ni Legarda ang mga simpleng pamamaraan upang sa gayon ay makatulong din sa pamahalaan.
Kabilang sa mga pamamaraan na ito ang striktong implementasyon ng Ecological Solid Waste Management Act kung saan tayo mismo ang maghihiwalay ng nabubulok sa hindi nabubulok na basura at iiwas din sa paggamit ng single-use plastic.
Hinimok din ng senadora na magkaroon tayo ng disiplina sa pagtatapon ng basura; hindi pagtatayo ng mga gusali malapit sa mga kanal, estero at mga waterways; at pagkukusa na maglinis ng mga estero at kanal na malapit sa kanilang mga lugar.
Hiniling din ng mambabatas na ipagbawal ang pagtatapon ng basura sa dagat ng mga bangka, barko at lahat ng sasakyang pandagat dahil ang mga kalat ay nadadala sa mga dalampasigan tuwing masama ang panahon; iwasang magtapon ng basura sa mga estero at kanal; at pagpapaalala na ang mga ilog at dagat ay buhay at hindi basurahan na dapat nating pangalagaan.









