Binalaan ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko na mag-ingat sa naglipanang cryptocurrency scam sa social media.
Ayon kay ACG Director Police Brig. Gen. Joel Doria, nanghihikayat ang mga scammer ng mag-invest sa pekeng “crypto investments” sa pamamagitan nang pag-download ng crypto app.
Kapag na-download na ang app, maaring ipasok ang investment sa pamamagitan ng iba’t ibang digital wallet na nakalista sa app.
Makikita rin sa app ang paglaki ng puhunan ng investor habang kumikita ito ng interes kada linggo na nakaka-engganyo sa mga mamumuhunan na magpasok pa ng mas maraming pera.
Ang problema ay kapag gusto nang mag-cash out ng investor ay hindi sila pahihintulutan ng app na mag-withdraw at dito na lang matutuklasan ng mga investor na sila ay naloko.
Paalala ng ACG sa mga nagnanais pumasok sa online investing, bisitahin ang website ng Banko Sentral ng Pilipinas para makita ang listahan ng mga regulated Virtual Asset Service Providers upang maiwasan na mabiktima ng mga kawatan.