Nanawagan ang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na mag-ingat at huwag basta makilahok sa mga aktibidad kaugnay ng People’s Initiative (PI) para sa charter change (CHA-CHA) o pag-amyenda sa Saligang Batas.
Nababahala si CBCP President Bishop Pablo Virgilio David, dahil marami ang posibleng makilahok at lumagda nang hindi pinag-aaralang mabuti ang layunin ng isinusulong na CHA-CHA.
Aniya, malinaw na hindi ito kusa ng publiko, kundi inisyatibo ng ilang opisyal ang pagpapalagda, na panlilinlang at pagsasawalang-bahala sa proseso ng demokrasya sa bansa.
Nagbabala ang obispo dahil tiyak na magbibigay ng kapangyarihan sa mga mambabatas ang simpleng lagda, kaya dapat mag-ingat, pag-aralan, pag-usapan, at pag-isipang mabuti ng bawat indibiwal ang desisyon bago pumirma.
Iginiit ni Bishop David na natatangi ang kasalukuyang Saligang Batas, dahil pinahahalagahan nito ang bawat buhay, pamilya, ang mga kababaihan, kalikasan, at karapatang pantao ng mga Pilipino.
Kaya ang anumang usapin tungkol sa pagpapalit ng Konstitusyon ay dapat seryosohin at hindi basta isawalang-bahala.