Pinayuhan ni dating Health Secretary at ngayon ay House Deputy Majority Leader, Iloilo Rep. Janette Garin ang publiko na magdoble ingat laban sa tumataas na kaso ng tinatamaan ng tuberculosis (TB) sa bansa.
Mensahe ito ni Garin kasunod ng impormasyong inilabas ng grupo ng mga doktor na Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF) na umakyat na sa 1,280 residente sa Tondo, Maynila ang may sakit na TB.
Ayon kay Garin, ganito rin ang naobserbahan sa kanyang inorganisang medical mission na Bantay Kalusugan sa Iloilo.
Nakakaalarma ito para kay Garin kaya dapat ay agad na kumilos ang gobyerno para hindi tuluyang tumaas at kumalat pa sa buong bansa ang sakit na TB na nakamamatay kung hindi agad magagamot.
Nakakabahala rin ayon kay Garin na kulang ang gamot para sa ganitong uri ng sakit kaya kailangang tiyakin ng Pilipinas na makakuha ng sapat na gamot at makakapagpatupad ng maayos na sistema ng pamamahagi sa lahat ng apektado.