Cauayan City, Isabela- Pinag-iingat pa rin ng PNP Cauayan City ang publiko kaugnay sa kumakalat na umano’y pagdukot sa mga bata at isinasakay sa mga van.
Ito ay matapos mag-viral sa social media ang pagkawala ng ilang indibidwal na pinaniniwalaang dinukot at kinuhanan ng mga internal organs.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Lt Col Gerald Gamboa, hepe ng PNP Cauayan City, sinabi niya na wala pang report ng naturang insidente ang natanggap o naitala sa kanilang himpilan.
Gayunman ay hindi umano nila ito ipagsasawalang bahala kaya’t pinag-iingat at pinapa-alerto pa rin ang lahat upang hindi malagay sa panganib.
Paalala nito sa mga magulang na payuhan ang mga anak na huwag basta-basta sumakay sa mga sasakyan o sumama sa mga hindi kakilala.
Agad aniyang lapitan ang kapulisan kung mayroong kahina-hinala sa galaw ng isang tao upang agad itong matugunan ng pulisya.