
Pinayuhan ni Senator Christopher “Bong” Go ang publiko na manatiling mapagmatyag at patuloy na alamin ang mga update kaugnay ng mga kaso ng super flu sa bansa.
Ayon sa mga eksperto, ang super flu ay isang uri ng influenza strain na mas madaling kumalat kumpara sa karaniwang seasonal flu, kaya’t mahalagang mas maging maingat ang publiko.
Batay sa kasalukuyang monitoring, limitado pa rin ang bilang ng mga naitalang kaso, at ang mga indibidwal na tinamaan ng super flu ay gumaling na.
Gayunman, ipinaalala ng ilang medical experts na posibleng humaba pa ang flu season sa mga susunod na buwan, na maaaring magdulot ng pagdami ng mga kaso ng flu-like illnesses tulad ng lagnat, ubo, sore throat, at pananakit ng katawan.
Binigyang-diin ni Go na mahalagang nauunawaan ng publiko ang mga paliwanag ng mga eksperto at kung paano ito dapat bigyang-kahulugan.
Aniya, upang mas maging maagap sa pagtugon sa mga ganitong banta sa kalusugan, kinakailangan ang matibay na batayan sa siyensya at pananaliksik na siyang papel ng Virology Institute of the Philippines.










