
Pinag-iingat ni Senate President Tito Sotto III ang publiko na huwag basta maniniwala agad sa lahat ng lumalabas o sinasabi ng ilang indibidwal sa social media.
Hindi man direktang binanggit ni Sotto, subalit nitong mga nakalipas na araw ay sunod-sunod ang “Part 1, 2, at 3” na mga rebelasyon ni dating Cong. Zaldy Co tungkol sa katiwalian sa flood control projects, kung saan tinukoy pa nga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang promotor ng pagsisingit ng P100 billion sa 2025 budget.
Binigyang-diin ni Sotto na kailangang mag-ingat tayo sa anumang lalabas sa social media, lalo’t hindi naman ito pinanumpaan, kaya’t wala itong accountability at credibility.
Tinukoy ng Senate President na isang ugali ng mga Pilipino ang maniwala agad kapag galit sila sa pinapararatangan, at kung nagtitiwala naman sila sa inakusahan, kahit anong sabihing masama ay hindi nila pinaniniwalaan.
Nababahala rin si Sotto sa posibilidad na mayroong nagmamanipula sa sitwasyon at aniya, ito ang pinakamasakit na mangyayari.
Bukod sa pag-iingat, sinabi ni Sotto na kailangan ding magtiwala sa Diyos at sa bansa, at sa huli, lalabas din ang katotohanan.









