Publiko, pinag-iingat sa mga magnanakaw na nagpapanggap na taga-Meralco o Maynilad

Kasunod ng pagkaaresto sa isang magnanakaw na nagpanggap na service contractor ng Meralco, inabisuhan ng Eastern Police District (EPD) ang mga residente na mag-ingat lalo na sa mga pinapapasok sa kanilang tahanan.

Ayon kay PO2 Gaby Capinpin, tagapagsalita ng EPD, posibleng sangkot din ang suspek na si Michael Baylon sa serye ng mga pagnanakaw sa Marikina.

Kwento ng mga biktima, nagpapanggap na taga-Meralco, Maynilad o iba pang serbisyo ang mga magnanakaw at saka sila hihingan ng pera kapalit ng pananatili ng kanilang subscription sa naturang serbisyo.


Sa kaso ni Baylon, agad natuklasang hindi siya empleyado ng Meralco dahil nagkataong subcontractor lineman supervisor ang asawa ng biktima kaya at agad siyang hinanapan ng field order at wala siyang naipakita.

Ayon kay Capinpin, naabisuhan na nila ang Meralco ukol dito at ang kumpanya mismo ang magsasampa ng kaso laban sa suspek.

Payo ng EPD sa publiko, huwag agad papasukin ang mga ito at hingan muna ng identification.

Facebook Comments