Publiko, pinaiiwas sa pagbibigay ng spekulasyon patungkol sa isyu sa West Philippine Sea

Kinakailangang magkaisa ang mga Pilipino, sa mga hakbang para masiguro ang territorial integrity at sovereignty ng bansa.

Pahayag ito ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., matapos ang panibagong insidente ng pang-ha-harass ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard.

Partikular ang sadyang pagbangga ng Chinese vessel sa Philippine Vessel nitong nakalipas na araw ng Linggo sa Ayungin Shoal.


Ayon sa kalihim, utos mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipaalam sa publiko ang insidenteng ito upang mas maging transparent sa ginagawang pam-bu-bully ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard.

Layunin din nitong maiwasan ang mga fake news o anumang spekulasyon sa insidente.

Sinabi ni Secretary Teodoro, dapat na maniwala ang publiko sa gobyerno at huwag pagmumulan ng fake news ng Tsina patungkol sa Pilipinas.

Una nang inihayag ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, na sanay na ang Pilipinas sa mga kasinungalingan ng China at sa mga hindi totoong pahayag nito.

Ilan dito ang pahayag ng China na nakabatay raw sa batas ang pangha-harang nila sa Philippine vessel na magdadala ng construction materials sa BRP Sierra Madre.

Maging ang kanilang statement na self stage lamang ng Pilipinas ang pag-aalis ng PCG ng boya na inilagay ng China sa Bajo de Masinloc.

Facebook Comments