Pinawi ng Philippine National Police (PNP) ang pangamba ng publiko kaugnay nang kanilang gagawing pagmo-monitor sa social media accounts para matukoy ang mga lumalabag sa quarantine protocols.
Ito ay matapos umani ng mga batikos mula sa ilang grupo partikular na sa human rights groups dahil sa posibleng maging paglabag sa constitutional at privacy rights ng isang indibidwal.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at JTF COVID Shield Commander P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang tanging babantayan lamang ng mga pulis ay yung public posts ng isang social media user.
Karaniwan aniyang namo-monitor dito ang mga prominenteng indibidwal at government officials lalo’t sila ang madalas mag-viral sa social media kapag nakikitang lumalabag sa quarantine protocols.
Sinabi naman ni PNP Chief General Camilo Cascolan na iba-validate naman at hindi lamang pagbabatayan ang social media posts ng mga quarantine violator.
Giit ni Cascolan, mayroong gagawing imbestigasyon at kapag napatunayan na totoo ang mga violation bago lamang aaksyon ang PNP.
Matatandaang nitong weekend, naglabas ng direktiba si Eleazar sa lahat ng police commanders na regular na i-monitor ang lahat ng social media platforms para masiguro na sumusunod sa quarantine protocols ang publiko.