Publiko, pinapayuhang magtipid sa tubig- NWRB

Hiniling ng pamunuan ng National Water Resources Board (NWRB) sa mga taga Metro Manila na magtipid sa paggamit ng tubig dahil sa patuloy na pagbaba ng water level sa mga dam sa ating bansa.

Sa latest update ng PAGASA Dam Monitoring Division, ang Angat dam na pinagkukunan ng 90 percent ng suplay ng tubig ng Metro Manila ay nakapagtala ng 185.41 meters ng water level  kahapon ng umaga na mas mababa kaysa sa 185.64 meters kahapon.

Ang Ipo dam ay nakapagtala ng 100.31 meters ng water level mula sa dating 100.34 meters, La Mesa dam- 77.39 meters mula sa dating 77.42 meters, Ambuklao dam- 748.76 meters  mula sa dating 748.99 meters.


Ang Binga dam ay nakapagtala ng 572.88 meters ng water level kahapon ng umaga mula sa 573.61 meters at Caliraya dam- 286.44 meters mula sa dating 286.54 meters kahapon.

Ayon kay Dr. Sevillo David Jr., Executive Director ng NWRB na dapat ugaliin ng bawat mamamayan ang pagtitipid sa suplay ng tubig upang patuloy na makakapagsuplay ng sapat sa mga residente ng MMLA.

Sa ngayon, nagpapatupad ng rotational water interruption ang Manila Water at Maynilad Water sa mga water consumers nito dulot ng patuloy na pagbaba ng water level sa mga dam.

Sinabi ni David na kailangan ng mga ulan sa may watershed ng mga dam para tumaas muli ang water level sa mga dam sa ating bansa.

Facebook Comments