Pinayuhan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko na manatiling vigilante at sundin pa rin ang precautionary measures at safety warnings kasunod nang nangyaring magnitude 7 na lindol sa Abra kaninang umaga.
Ayon kay NDRRMC Chairperson and Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge Senior Usec. Jose Faustino Jr., patuloy ang kanilang isinasagawang assessment sa lindol.
Sa katunayan, nagre-convene ang NDRRMC officials ngayong hapon para sa isang emergency meeting.
Pumapasok na rin ang mga reports mula sa mga lalawigang naapektuhan ng lindol kung saan base sa initial information, ilang rehiyon ang nakapagtala ng pinsala sa imprastraktura, mga ari arian at mayroon ding naiulat na landslide habang ongoing ang beripikasyon sa casualties.
Sinabi pa ni Faustino na tulong-tulong ang lahat ng ahensya ng pamahalaan tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) para sa nagpapatuloy na search, rescue, and retrieval operations.
Magkakasa rin ang Philippine Air Force (PAF) ng aerial inspections para makita ang lawak ng pinsala ng lindol.
Naglabas na rin aniya ng memorandum sa lahat ng NDRRMCs, kung saan inaatasan ang mga ito na i-monitor ang mga aftershocks at iba pang secondary hazards; makipag-coordinate sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa rapid assessment at dapat ding masiguro na nasusunod ang minimum health protocols.