Publiko, pinayuhang hintayin ang resulta ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Christine Dacera

Mas mabuti kung hihintayin na lamang ng publiko ang final investigation findings ng mga otoridad hinggil sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera bago gumawa ng sariling assumptions o speculations.

Reaksyon ito ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kasunod na rin ng usap-usapan hinggil sa totoong dahilan ng pagkamatay ng dalaga nitong Bagong Taon.

Ayon kay Panelo, makatitiyak naman ang naulilang pamilya ni Christine na gagawin ng mga otoridad ang lahat upang malaman ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito at upang mapanagot ang mga nagkasala.


Una nang lumabas sa autopsy report na ruptured aortic aneurysm ang ikinamatay ni Dacera pero humirit ang kampo nito na muling magsagawa ng otopsiya sa mga labi ni Christine dahil sa umano’y incomplete report.

Ang biktima ay sinasabing dumalo sa isang year-end party sa isang hotel sa Makati pero kalauna’y natagpuan na lamang itong wala ng buhay.

11 ang itinuturong persons of interest ngayon ng Makati PNP kung saan tatlong suspek na ang hawak ng mga otoridad at lahat ay nahaharap sa kasong rape at homicide.

Facebook Comments