Pinayuhan ni Interior Secretary Eduardo Año ang publiko na magsuot ng face masks maging sa loob ng tahanan lalo sa mga pamilyang hirap sumunod sa social distancing.
Giit ng kalihim, “per family” na ngayon ang transmission ng virus.
Una rito, sinabi ni National Policy Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na bukod sa workplaces, dapat ding ikonsidera bilang critical areas ang mga lugar kung saan maraming tao at hindi nasusunod ang minimum health standards.
Kaugnay nito, iminungkahi rin ni Año ang pagsusuot ng face shields hindi lang sa mga public transport vehicles kundi maging sa mga pampublikong lugar gaya ng palengke, ospital at quarantine facilites.
Aniya, may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na i-require ang pagsusuot ng face shields sa mga lugar na maraming tao pero hangga’t maaari ay huwag nang magpataw ng multa sa mga lalabag dito.