Patuloy ang paalala ng Department of Energy (DOE) sa publiko na magtipid ng kuryente kahit pa panahon na ng tag-ulan.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni DOE Director Patrick Aquino na kung tutuusin, nitong panahon ng tag-init ay malaking naitulong ng publiko dahil sa wais na paggamit ng enerhiya.
Patunay aniya nito ay walang nangyaring pangmatagalang power interruptions.
Kaya patuloy pa rin aniya ang panghihikayat ng ahensya a publiko na ipagpatuloy ang pagiging matipid sa paggamit ng enerhiya kahit panahon na ng tag-ulan kung saan inaasahang makatitipid sa konsumo ng kuryente dahil mababawasan ang paggamit ng ilang appliances tulad ng aircon at electric fan.
Ilan sa mga tipid tips na ibinahagi ni Director Aquino ay ang palagiang paglilinis ng aircon at electric fan at kung gagamit aniya ng aircon ay ‘wag itong tataasan sa higit pa sa 23 degress celsius thermostat.
Tanggalin din sa saksakan ang mga ito kung hindi naman ginagamit.
Pinapayuhan din nito ang publiko na mag-invest at magpalagay ng solar panels dahil malaki ang matitipid sa kuryente sa pangmatagalang panahon.