Sa ngalan ng transparency, pinapahintulutan ng Philippine National Police (PNP) ang mga motoristang sumasailalim sa Commission on Elections (COMELEC) check point na videohan ang mga pulis na nagsasagawa nito.
Ayon kay PNP Spox at PRO3 Director PBGen. Jean Fajardo, walang nakikitang problema ang Pambansang Pulisya kung vivideohan ng mga motorista ang proseso ng check point.
Sa katunayan, mismong si PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang nag-utos sa lahat ng mga pulis na nasa COMELEC check point na magsuot ng body worn camera maliban pa sa paglalagay ng mga mobile CCTV.
Aniya, mas maganda nga kung may video dahil dokumentado ang bawat check point at patunay lamang ito na wala silang itinatago.
Samantala, nilinaw ni Fajardo na lahat ng mga pulis ay dumaan sa orientation kung kaya’t hindi ito pagmumulan ng away sa pagitan ng pulis at mga motorista.
Aniya, naka angkla ang kanilang mandato sa pagrespeto sa karapatang pantao.