
Pinawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangamba ng publiko kasunod ng deklarasyon ng State of National Energy Emergency.
Sa kanyang Presidential Address, nilinaw ng pangulo na nakatuon lamang ang deklarasyon sa sektor ng enerhiya, partikular sa problema sa suplay, at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Iginiit niya na walang dahilan para mag-panic dahil kumikilos na ang pamahalaan upang maibsan ang epekto nito at maagapan ang posibleng paglala ng sitwasyon.
Ayon sa pangulo, layunin ng deklarasyon na mabigyan ang gobyerno ng mas malawak na kapangyarihan at mas maraming opsyon para makakilos agad kung kinakailangan.
Kabilang dito ang mas mabilis na pagbili ng suplay ng langis ng Department of Energy (DOE) nang hindi na dumaraan sa mahabang proseso.
Dagdag pa niya, sa ilalim ng Executive Order No. 110, mapapabilis ang aksyon ng pamahalaan upang matiyak ang sapat na suplay at maprotektahan ang mga konsyumer laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.










