Puganteng si Quiboloy at 4 na kapwa akusado, hawak na ng PNP

Nakakulong na sa PNP Custodial Facility sa Kampo Crame si Apollo Quiboloy.

Bukod kay Quiboloy, hawak na rin ng PNP ang apat pang kapwa akusado nito na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes.

Ayon kay PNP Public Infotmation Office Chief Col. Jean Fajardo, nakuha nila ang kustodiya ng lima alas 5:30 ng hapon.


Alas 6:30 ng gabi nang ilipad ang mga ito pa Maynila mula Davao City sakay ng C130 aircraft.

Nakarating sina Quiboloy sa Custodial Facility dakong 9:10 ng gabi.

Agad na isinilbi ang warrants of arrest sa mga kasong Child abuse, Sexual Abuse at Qualified Trafficking

Pagkatapos nito ay agad sumailalim ang mga ito sa booking procedure kasama ang mugshot at pagkuha ng finger print.

Natapos na rin ang physical at medical examination at maayos naman ang kanilang kondisyon.

Sinabi ni Col. Fajardo, bandang ala 1:30 ng hapon kanina nang magkaroon ng negosasyon sa mapayapa nilang pagsuko matapos bigyan ng 24 oras na ultimatum.

Kung hindi, ay papasukin nila ang isang gusali na hindi pinapayagang makapasok ang PNP.

Bukod sa PNP, kasama sa negosasyon ang Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines.

Kinumpirma rin ni Fajardo, na sa loob ng Kingdom of Jesus Christ Compound sumuko ang limang pugante.

Inaasahang ibabalik ng pulisya ang mga warrants of arrest mula sa mga korte.

Facebook Comments