Puhunan kapalit ng 4Ps, hindi solusyon sa kahirapan, ayon sa Ibon Foundation

Hindi nabibigyan ng tamang atensyon ang problema sa kahirapan sa Pilipinas kaya nananatiling mataas ang bilang ng mahihirap na pamilyang Pilipino.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, kahit taon-taon ay may pangako ang Pangulo na inilalahad sa kanyang State of the Nation Address o SONA, taon-taon ding napapako ang pangako at hindi nasosolusyunan ang problema.

Hindi na rin nagtaka si Africa sa inilabas na survey ng Social Weather Stations kung saan sinasabing 49% ng pamilyang Pilipino o abot ng halos 14 milyon ay kinokonsidera ang sarili bilang mahirap.

Sa pagtaya ng Ibon Foundation,  nanatiling mababaw ang tugon ng gobyerno para solusyunan ang malalim na problema.

Pabor naman si Africa na tuluyang alisin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na balak isulong ng isang senador.

Pero iginiit nito na mas makabubuti kung uunahin ang programa para makalikha ng mas maraming trabaho.

Sa pagtaya ng Ibon Foundation, umangat ng mahigit 3% ang self-rated poor families habang nadoble naman ang bilang ng Pilipinong nagugutom sa mahigit limang milyon nang pumasok ang administrasyong Marcos.

Facebook Comments