
Arestado ang isang aktibong pulis matapos umano nitong ikalat ang pribadong video nila ng kanyang dating nobya sa La Union. Ayon sa ulat, ginawa ito ng suspek matapos hindi matanggap ang kanilang paghihiwalay.
Ang mismong biktima ang nagsampa ng reklamo sa mga awtoridad. Sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI), naaresto ang pulis matapos makumpirmang siya nga ang nasa likod ng pagkalat ng nasabing video.
Batay sa imbestigasyon ng NBI-Ilocos Regional Office, sinabi ni Atty. Joel Tavera na dati umanong magkasintahan at live-in partners ang suspek at ang biktima. Ngunit nang makipaghiwalay ang babae, doon na siya sinimulang pagbantaan ng lalaki na ikakalat ang kanilang mga pribadong larawan at video.
Lumalabas rin sa imbestigasyon na inupload ng suspek ang video gamit ang isang dummy account, sa tangkang pilitin ang biktima na muling makipagbalikan sa kanya. Ayon pa sa biktima, may mga pagkakataong pilit siyang kinukuhanan ng video ng suspek kahit labag sa kanyang kalooban.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act, Anti-Photo and Video Voyeurism Act, at Grave Coercion, na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









