Pulis at kaniyang misis, arestado dahil sa ninakaw na donasyong 8 bike

Nahuli na ng Quezon City Police District ang kabaro nilang sangkot sa umano’y pagnanakaw ng walong mountain bikes sa kampo na donasyon ng Quezon City local government unit.

Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Redrico Maranan, sa isang mensahe sa Viber, nahuli ang pulis at ang kanyang asawa sa tahanan ng mga ito sa Brgy. Corazon De Jesus, San Juan City.

Ang pulis, na may ranggong corporal, ay dating miyembro ng District Tactical Motorized Unit ng Quezon City Police District (QCPD).


Nasuspinde siya ng anim na buwan mula Hulyo 16, 2024 hanggang Enero 11, 2025 dahil sa isang paglabag sa administratibo.

Nadiskubre ang pagnanakaw sa QCPD headquarters sa Barangay Botocan noong Biyernes, Agosto 2 bandang 6:30 ng umaga.

Nagsasagawa umano ng inspeksyon ang mga opisyal ng pulisya sa mga bisikleta na inisyu ng Quezon City government sa QCPD nang mapansin nilang walong bisikleta ang nawawala.

Sa sumunod na imbestigasyon, nadiskubre na ang ilang nawawalang mga bisikleta ay ibinebenta sa Facebook Market sa halagang ₱3,000 bawat isa.

Nang makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa nagbebenta, sinabi nitong binili niya ang mga bisikleta sa pulis sa halagang ₱24,000, na inihatid sa kanya kasama ang asawa nito.

Nasa kostudya na ng QCPD District Special Operations Unit ang pulis at ang misis nito na umano’y siyam na buwang buntis habang isinasailalim sa imbestigasyon.

Facebook Comments