ibinunyag ni Partido Reporma presidential candidate Senator Panfilo “Ping” Lacson, na nanatili ang respeto at pagmamahal sa kanya ng mga awtoridad na inatasan para hulihin siya noon kung saan malaki pa rin ang respeto ng mga pulis at sundalo kahit pa itinuring na pugante dahil sa administrasyon noon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na gumawa ng pamamaraan upang malagay siya sa likod ng selda,
Ayon kay Lacson na noong taong 2010, nang lumayo siya upang iwasan ang mga galamay ng noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ay hinahayaan siya ng ilang mga sundalo at pulis na nakakakilala sa kanya para makaalis sa kabila ng ibinabang kautusan para siya ay arestuhin..
Paliwanag ni Lacson, patunay ito na kinikilala ng mga awtoridad ang mga nagawa ni Lacson bilang hepe ng Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001 at bilang sundalo at commander sa loob ng dalawang dekada sa ilalim ng dating Philippine Constabulary.
Aminado si Lacson, na dahil sa kapangyarihan at impluwensya na taglay ni Arroyo noon ay naging impiyerno sa lupa ang buhay niya sa ilalim ng siyam na taong administrasyon ng dating pangulo.
Ang karanasan niya sa 15 buwan ng paglayo habang inaayos ng kanyang mga abogado ang mga kasong ibinabato sa kanya ang naging dahilan ni Lacson upang determinadong labanan ang korapsyon sa gobyerno at magsilbi bilang pangulo–bagay na pinaghandaan niya sa loob ng higit limang dekada ng serbisyo publiko.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit tumatakbo bilang pangulo si Lacson, kasama ang running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na nananatiling magkasangga para sa layuning “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng mga Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.”