Humihingi ng tulong sa social media ang isang concerned citizen para mahuli ang pulis na bumaril sa alagang aso ng kanyang tiyahin.
Kinuwento ni Facebook user Ghee Elle ang kalunos-lunos na sinapit ng asong si Sky. Aniya, nakiusap ang kamag-anak sa pulis na huwag ituloy ang masamang balak ngunit hindi ito nagpapigil.
“Sana po bigyan kayo ng parusa. Hindi na po kayo naawa sa bata na nakita ang aso nya na binaril sa harap nya. wala pang 5minutes binaril na agad. Sana po tulungan kame. Salamat po sa nagbabasa.”
Katulad ng tao, marunong din masaktan ang mga alagang hayop.
“Pakireport naman po, huwag naman po sanang humawak ng baril o mga bagay na nakakasakit kapag nakakakita kayo ng aso na nakaalpas sa lungga.”
Kasalukuyang inadmit si Sky sa VIP Animal Hospital, Fort Bonifacio Taguig City at ooperahan ngayong araw. Hiling ng pamilya, huwag idamay ang mga taong hindi sangkot sa insidente at ipagdasal na maging matagumpay ang operasyon nito.
Taos-puso nitong pinasalamatan ang lahat ng taong tumulong at nagbigay ng donasyon para sa agarang paggaling ng aso.