Pulis, binaril ng kapwa pulis sa GenSan

Sugatan ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos pagbabarilin ng kanyang kasamang pulis sa loob ng isang bahay sa Lansang Village, Barangay Sinawal, General Santos City, kahapon March 24, 2025.

Ang biktima na isang police lieutenant, ay kasalukuyang nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Special Operation Unit 13, Caraga Region.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa kaliwang braso at tagiliran ang biktima at kasalukuyang inoobserbahan sa ospital.


Batay sa paunang imbestigasyon, ang suspek ay kapwa pulis rin na isang patrolwoman at nakatalaga sa PNP-DEG Special Operation Unit 12, Camp Fermin G. Lira Jr., General Santos City.

Base sa ulat, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa matapos dedmahin ng biktima ang hinaing ng suspek tungkol sa pangbu-bully sa kanya kung saan sa galit, nagawang barilin ng suspek ang biktima gamit ang kanyang service firearm.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang alamin ang buong detalye ng insidente.

Samantala, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong frustrated murder.

Facebook Comments