Pulis, Dinakip sa Pagpapaputok ng Baril sa Cauayan City

Cauayan City, Isabela- Dinakip ng kapwa pulis ang isang Police Master Sergeant matapos magpaputok ng baril sa barangay Labinab sa Lungsod ng Cauayan.

Nakilala ang hinuling pulis na si PMSg Ambrocio Albano, 34 taong gulang, may asawa at residente ng nabanggit ng barangay.

Si PMSg Albano ay nakatalaga sa Luna Police Station sa Lalawigan ng Isabela.


Una rito, nakatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya kaugnay sa pagpapaputok ng baril ng pulis sa kanyang bahay na agad namang pinuntahan ng kasapi ng PNP Cauayan City.

Nang maberipika ang natanggap na impormasyon, hinuli si PMSg Albano at nakuha sa pag-iingat nito ang inisyung baril ng PNP na Caliber 9mm pistol, isang (1) empty magazine ng Cal. 9mm at pitong (7) basyo ng bala ng Cal 9mm na baril.

Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang pulis para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments