Pulis, inaresto ng PNP-IMEG matapos gumamit ng impounded na motor

Hinuli ng mga tauhan ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), ang isang pulis Pasig dahil sa ilegal na paggamit ng motor na nakumpiska sa isang anti-drug operation.

Kinilala ni PNP-IMEG Director Police Brigadier General Ronald Lee ang suspek na si Police Corporal Esteven Mark Pandi na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasig City Police Station.

Nahuli ang suspek habang nakasakay sa asul na Yamaha NMAX motorcycle na walang plaka at may sakay pa na backride na isang paglabag sa General Community Quarantine.


Ang motorsiklo ay kasama sa imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa isang anti-drug operation sa Pasig City noong Oktubre ng nakaraang taon.

Sinabi pa ni Brigadier General Lee na pinalakas ng IMEG ang monitoring ng lahat ng mga pulis na sangkot sa ilegal na aktibidad sa gitna ng umiiral na sitwasyon sa COVID-19, alinsunod sa zero-tolerance ni PNP Chief Police General Archie Gamboa sa mga “scalawags in uniform”.

Matatandaang una nang iniutos ni PNP chief ang pag-imbentaryo sa lahat ng mga narekober na sasakyan ng PNP at ipinagbawal ang paggamit ng mga ito ng mga pulis.

Facebook Comments