Pormal nang sinampahan ng reklamo sa Office of the Provincial Prosecutor ang isang pulis na responsable sa pagkamatay sa mga opisyal ng Brgy. Daja Diot sa San Isidro, Leyte.
Isang alyas John na barangay tanod at pinsan ng namatay na barangay captain sa Daja-Diot na si Elizalde Tabon, ang naging testigo sa nangyaring shooting incident noong nakaraang Pebrero 24, 2024.
Sa kanyang formal complaint, sinalaysay nito ang pangyayari at tinukoy ang suspek sa naturang insidente na si Manuelito Sidaya alias Opaw na dating nakadestino sa San Isidro PNP.
Aniya, nasa barangay hall sila kasama ang Kapitan na si Tabon, Rusty Andoy Salazar, Alex Bacor at kagawad na si Paolo Mendero ng dumating ang apat na lalaki na sakay ng motorsiklo saka sila pinagbabaril kaya napatay ang mga opisyal ng barangay.
Nakaligtas ang testigo matapos tumalon sa likurang bahagi ng barangay hall kung saan nakilala niya si alyas Opaw dahil madalas itong makita sa checkpoint sa San Isidro noong panahon ng pandemya.
Direkta silang nagsampa ng reklamo sa provincial prosecutor at hindi sa police station sa San Isidro dahil na rin sa takot at kawalang tiwala sa mga pulis.
Napag-alaman na si Opaw ay isa rin sa mga tinuturong suspek sa pagpatay sa dating municipal administrator ng San Isidro, Leyte na si Levi Bambam Mabini noong 2019 election kung saan wala pa namang tugon ang PNP sa naturang kaso.