Kinasuhan na ang pulis Maynila na bumaril at nakapatay sa isang traffic enforcer matapos na mapagkamalan na karnaper.
Kasong murder ang isinampa sa Quezon City Prosecutors Office laban kay PLt. Felixberto Tiquil Rapana, na nakatalaga sa Anti-Carnapping Unit ng Manila Police District (MPD).
Nag-ugat ito sa pagbaril at pagpatay nito kay Edgar Abad Follero, binata, residente ng No. 35 P. Tupaz St., Novaliches, at nagtatrabaho bilang traffic enforcer ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City.
Batay naman sa sinumpaang salaysay ni Tiquil, sinundan umano nito si Follero at ang kasamang si Paul Timothy delos Reyes habang tinutulak ang nasirang motor mula sa Maynila hanggang sa Quezon City at pagsapit ng EDSA Muñoz Market ay saka niya binaril ang biktima sa pag-aakalang isa itong karnaper.
Samantala, hustisya naman ang panawagan ng pamilya ni Follero at sinabi ng mga ito na hindi man lang binigyan ng pagkakataon ng pulis na makapagpaliwanag ang biktima at basta na lamang ito binaril na parang hayop.
Nagpaabot naman ng pakikidalamhati si Quezon City Mayor Joy Belmonte kasabay ng pangako na mabibigyan ng hustisya ang naturang pangyayari.