Pulis na Aksidenteng Nakabaril ng Isang Lalaki, Na-relieve at nasampahan na ng kaso!

*Cauayan City, Isabela- *Nasampahan na ng kasong Homicide ang isang pulis na aksidenteng nakabaril na ikinamatay ng isang lalaki makaraang gabi sa Brgy. Naganacan, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Inspector Zosimo Sambrano, Chief Investigator ng PNP Cauayan City, na-relieve na sa pwesto ang nakabaril na pulis na si Mikael Nantes Joaquin ng 201st Manuever Company ng Regional Mobile Force Battalion na nakahimpil sa Nagtipunan Quirino.

Si Joaquin ay kasalukuyang nagpapagaling sa isang pagamutan matapos mabaril ang sariling hita nang ito ay mag-warning shot sa away ng biktima na si Darwin Pascua Dumrique at ng kanyang kainuman na si Marlon Dela Cruz.


Matatandaan na noong gabi ng Disyembre a otso ay nagkaroon ng inuman at pagtatalo sina Dumrique at Dela Cruz subalit nauwi ang pagtatalo kina Dumrique at Joaquin na nagresulta sa aksidenteng pagkabaril ni Dumrique sa bahagi ng kanyang tiyan na sanhi ng kanyang ikinamatay.

Payo naman ni Police Inspector Sambrano sa mga pulis na iwasan na lamang ang makipag inuman sa mga civilian upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang pangyayari at mas mainam na lamang anya na uminom na lamang sa loob ng bahay.

Facebook Comments