Pulis na Bronze Medalist sa Karate, Binigyan ng Pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela!

*Cauayan City, Isabela-* Binigyan ng pagkilala si Patrolman Randolph Soriano Maraggun ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa pamamagitan ng isang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan sa Session Hall, Provincial Capitol, Alibagu, Ilagan City, Isabela.

Personal na iniabot kay Patrolman Randolph Maraggun, 28 anyos, residente ng Minante #1, Cauayan City, Isabela at kasapi ng PNP Cauayan City ng mga SP na pirmado ang resulution no.378 kabilang si Isabela Gov.Rodito Albano III bilang pagkilala sa tagumpay at karangalang iniuwi sa bansa lalo na Lalawigan ng Isabela.

Napanalunan ni Patrolman Maraggun ang bronze medal sa karate competition sa World Police and Fire Games na ginanap noong August 8-18, 2019 sa Chengdu, China.


Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Patrolman Maraggun ay malaki ang pasasalamat nito dahil sa unang pagkakataon ay nabigyan siya ng pagkilala ng pamahalaang panlalawigan.

“Hindi lang ito ang una kong naiuwi na karangalan sa bansa at sa lalawigan dahil kabilang ako sa Philippine team na sumasabak sa karate competition sa ibat-ibang bansa noong ako’y sibilyan pa lamang”, dagdag na pahayag ni Patrolman Maraggun.

Si Maraggun ay nakatakdang parangalan din ng City government ng Cauayan at ng National Headquarter ng PNP sa Camp Crame at inaasahang magiging panauhing pandangal si Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments