Pormal nang kinasuhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang kanilang tauhan na bumaril sa isang retiradong sundalo sa quarantine checkpoint ng Barangay Pasong Putik noong Martes ng hapon.
Base sa nakalap na ebidensiya at salaysay ng mga testigo, mahaharap sa kasong homicide si Police MSgt. Daniel Florendo kaugnay ng pagkamatay ni dating Private First Class Winston Ragos.
Sinabi ni QCPD director Brig. Gen. Ronnie Montejo na agad sumailalim sa online inquest si Florendo.
(BASAHIN: SUNDALONG ‘LUMABAG’ SA ECQ, BINARIL NG PULIS SA CHECKPOINT)
Matatandaang pinaputukan ng baril ang dating miyembro ng Philippine Army na nagtangka raw bumunot ng armas sa loob ng dalang sling bag.
Bago ang malagim na insidente, nagkasagutan daw muna ang mga pulis at si Ragos bunsod ng paglabag sa enhanced community quarantine.
Itinanggi naman ng pamilya ng biktima na armado ito.
Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroon post-traumatic stress disorder at schizoprenia ang sundalo, na na-discharge sa serbisyo noong 2017.
Sa ngayon ay nasa kostudiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) si Ragos.