Pulis na fixer sa mga aplikante sa pagkapulis, sinibak na sa serbisyo

Tinanggal na sa serbisyo ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang nahuling pulis na sangkot sa pangingikil sa mga aplikanteng pulis.

Ayon kay Eleazar, inaprubahan na niya ang pag-alis sa serbisyo kay Police Staff Sgt. Joel Zalun Bunagan na driver ng ambulansya ng PNP Health Service.

Ito’y dahil sa grave misconduct matapos mangikil sa police applicants.


Matatandaang hinuli si Bunagan ng mga operatiba ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group sa isang entrapment operation sa Barangay 175 Camarin, Caloocan City noong Mayo 31, kung saan siya nanghingi ng P100,000 mula sa police applicant kapalit sana ng pagpasok nito sa PNP.

Batay sa record ng PNP, una nang naaresto si Bunagan sa isang entrapment operation ng IMEG sa Barangay Kaligayahan, Novaliches, Quezon City noong Abril 2020 dahil sa kaparehong kaso ngunit nakapagpiyansa.

Nahaharap na ngayon si Bunagan sa mga kasong criminal sa korte tulad ng paglabag sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Act of 2018 at Republic Act 3019 or the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Babala naman ni PNP Chief sa mga kasamahan ni Bunagan at iba pang tauhan ng PNP na sangkot sa ganitong klase ng iligal na aktibidad na hindi siya titigil hanggang sa hindi sila lahat natatanggal sa organisasyon.

Facebook Comments