Nasakote ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si PSSg Noel Santa Ana Alabata Jr., a.k.a. Alfonso Edena Tan na umano’y hitman ng pamilya Teves sa isang kaso ng pagpatay sa Dumaguete City.
Ayon kay CIDG Director BGen. Romeo Caramat Jr., ang umano’y hitman na ginamit ni Teves ay naaresto sa loob mismo ng harapan ng PNP-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) building sa Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City.
Bitbit ng mga operatiba ang dalawang warrant of arrest sa kasong attempted murder at attempted homicide nang arestuhin si Alabata.
Ayon kay Caramat, si Alabata ay dating nakatalaga sa PDEG Region 6.
Sabi ni Caramat na ginamit ng pamilya Teves ang pulis para ipapatay ang isa sa karibal nila sa negosyo na kinilala lamang sa pangalang “Ong” sa Dumaguete City.
Sa ngayon ay dinala na sa tanggapan ng CIDG sa Kampo Krame ay naka-uniporme pang pulis habang iniayos ang documentation at hinihintay ang Commitment Order mula sa Korte na naglabas ng arrest warrant.