Pulis na hindi nag-entertain ng sumbong ng isa sa mga biktima ng pagpatay sa Negros Oriental, ipina-cite in contempt ng Senado

Ipina-cite in contempt ng Senate Committee on Public Order si Police Staff Sgt. Renevic Rizaldo, ang desk officer na tumangging i-blotter ang banta sa buhay ng isa sa mga biktima ng pagpatay sa Negros Oriental.

Sa pagdinig ng Senado, ikinwento ni Wilfred Estiñoso, tatay ng biktimang si Juwim Estiñoso na nagtungo ang kanyang anak sa police station para ipa-blotter ang kanyang buhay.

Pero sa halip na tulungan sa pagblotter ay sinabihan lang ang kanyang anak ni Rizaldo na guni-guni lang ang banta at hindi pwede i-blotter.


Dahil hindi pinansin ang sumbong ng kanyang anak ay napatay rin kalaunan si Juwim sa second-attempt sa kanya.

Si Rizaldo ay napag-alamang dating security personnel ni suspended Cong. Arnie Teves, ang itinuturong mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Itinanggi naman ni Rizaldo na nagpa-blotter noon si Juwim dahil wala umano siyang maalalang ganitong pangyayari.

Ang naalala na lang niya ay noong tatay ni Juwim ang pumunta at sinabihan niya ito na kung may ganoong insidente sa kanyang anak ay pumunta na lang siya sa station para ipa-blotter.

Hindi naman kumbinsido ang mga senador sa pahayag ni Rizaldo sa komite kaya ipina-cite in contempt ang pulis.

Facebook Comments