*Cauayan City, Isabela*- Inihahanda na ang kasong administratibo laban sa isang pulis na sangkot sa panghoholdap sa isang negosyante sa isang gasolinahan sa Brgy. Dangan, Reina Mercedes, Isabela.
Nakilala ang suspek na si PLT. Oliver Tolentino, 37 anyos na nakatalaga sa Regional Holding Unit ng Police Regional Office (PRO-2) at residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Ayon kay PCol. Chevalier Iringan, Public Information Officer ng PRO2, dati na umanong may kinaharap na paglabag ang nasabing pulis noong ito pa ay nasa Regional Training Center (RTC) matapos sumailalim sa Orientation Program at mapromote sa kanyang tungkulin.
Sinabi pa ni Iringan na posibleng tanggalan ng karapatan ang nasabing pulis sakaling mapanagot sa krimen na kanyang kinasangkutan.
Maaring tanggalan ng buwanang sahod at allowances maging ang sana’y mga benepisyo na kanya rin tatanggapin.
Samantala,pinuri naman ni Iringan ang lahat ng pulis region-wide dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng curfew hour at liquor ban sa kabila ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Giit pa ni Iringan na hihintayin ang desisyon ng panrehiyong tanggapan dahil sa pulis na nangholdap at dalawang (2) iba pang kasamahan nito.